Anim na Sabado ng Beyblade (Bahagi
Lamang)
ni Ferdinand Pisigan Jarin
Unang Sabado ng paglabas
niya nang hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw.
Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at
pagbati ng “Happy Birthday,Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na
ito. Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming
laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote
Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade.
Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba
sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo.
Kahit hindi pa araw.
Ikalawang Sabado,
naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng beyblade kasama ang
mga pinsan.
Tatlong araw bago dumating
ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang
nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang
beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kaniyang kamay o di kaya‟y
bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na namang nalalagas ang kaniyang buhok.
Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kaniyang
paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakadudukot na rin siya ng mga
matitigas na butil ng dugo sa loob ng kaniyang gilagid.
Sa labas ng bahay na
kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya ako ng; “Tay, may
peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking
pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang
nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na
tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili,
mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming
kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng
bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na
mga kendi sa aming
kinaupuan.
Tuluyan na siyang nakalbo
pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa
kaniyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang
matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa
trabaho ang isang mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang
walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at
makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang
unti-unting humina at nawala.
Di na maikakaila ang mabilis
na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya
makuha pang ipasok ang pisi ng beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod
at hingal sa kaniyang pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang
karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter
na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing
tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa,
mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga nang humiga at
paulit-ulit na tumingin sa kawalan.
Huling Sabado ng Pebrero ang
ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay
pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa
kaniyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kaniyang huling
hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang
aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng
pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na
di nais danasin ng kahit sino.
“Sige na, Bo. Salamat sa
apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento