ANG AMA
Salin ni Mauro R. Avena
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng
mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa
bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang
pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng
mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang
niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya
nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina
pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng
kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na
pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat,
at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay
isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na
payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang
ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na
nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit
pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga
pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na
sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa
kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang
pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y
masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at
ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga
batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang
ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa
gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na
nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at
padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot
na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay
nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha
ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing
tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't
mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa
ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina,
kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas
na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa
nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing
kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si
Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas
kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa
galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga
paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis
talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang
oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng
pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa
kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina
na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama,
napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na
hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang
kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw,
at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon
ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na
sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla
dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng
isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata
gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay
bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung
saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang
ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan
ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay,
at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa
sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa
taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama
na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil
alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at
pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa
sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang
kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero
mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng
kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng
sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa
ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at
marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang
anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili
bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong
pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak
ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag,
"Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa
libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng
lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong
kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na
ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring
lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at
saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang
ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na
kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang
papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na
kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga
bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito
sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga
bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit
itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala
sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y
kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang
kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi
ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad
niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae
ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon
sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa
pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon.
Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang
senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at
dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat
ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at
muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y
kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi
sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta."
Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama.
Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa
baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila
napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod.
Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga
laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita,
"Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang
mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak,
habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang
langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero
patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang
kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay
dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa
kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di
nila mararanasang muli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento