Ang Buwang Hugis-Suklay
(Isinalin sa
Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)
Noong unang
panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa
kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.
Nagpabili
ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na
hugis buwan.
Sinabi ng
kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa
kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na
iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.
Nagsimulang
humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay,
narating niya ang kabayanan.
Agad-agad
niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak.
Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat
bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang
ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko
po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.
“Hinahanap
ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.
“Pampapula
ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan?
Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng
mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang
magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang
salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)
Tumingala
ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng
mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.
“Alam ko na.
Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa
kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.
Agad-agad na
inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng
mangingisda at lumisan.
Sa kaniyang
pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at
ama.
“Kumuha ka
ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan
mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang asawa.
Masayang
itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang binili para sa
asawa.
“Wala naman dito
ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang
mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at inabot sa asawa.
Pinunit ng
asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng panghahamak.
Ganoon na
lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.
“Bakit ka
nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.
(Ang mia
noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na mas bata sa
unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)
Hinablot ng
ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri
ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa.
Paano mo ito nagagawa?”
Tumayo ang
kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.
“Lolo,
tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng
bata.
“Tingnan ko
nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata.
“Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.”
Inilapag sa
sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin
din niya ako!” sigaw ng lolo.
Nang makita
ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.
“Ngayon ay
hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento