Biyernes, Agosto 1, 2014

                      Ang Pagbabalik

               ni Jose Corazon de Jesus


Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,

Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;

Isang panyong puti ang ikinakaway,

Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:

Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,

Mamatay ako, siya’y nalulumbay!


Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas

Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”

Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”

Nakangiti akong luha’y nalaglag...

At ako’y umalis, tinunton ang landas,

Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;


Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,

At ang buwan nama’y ibig nang magningning:

Maka orasyon na noong aking datnin,

Ang pinagsadya kong malayang lupain:

Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,

Ang nagsisalubong sa aking pagdating.


Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,

Pinatuloy ako ng magandang loob;

Kumain ng konti, natulog sa lungkot,

Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;

Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,

Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”


Nang kinabukasang magawak ang dilim,

Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;

Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:

Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;

Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,

Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.


At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,

Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;

Bulaklak na damo sa gilid ng landas,

Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;

Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak...

O, marahil ngayon, siya’y magagalak!


At ako’y lumakad, halos lakad takbo,

Sa may dakong ami’y meron pang musiko,

Ang aming tahana’y masayang totoo

At nagkakagulo ang maraming tao...

“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,

“Nalalaman nila na darating ako.”


At ako’y tumuloy... pinto ng mabuksan,

Mata’y napapikit sa aking namasdan;

Apat na kandila ang nangagbabantay;

Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;

Mukha nakangiti at nang aking hagkan;

Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”



Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya ni Jan Henry M. Choa Jr.

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya

ni Jan Henry M. Choa Jr.


Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya angGrand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa Almaty, Kazakhstan.

Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pag-awit.

Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia.

Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa Malaysia. Mayroon din siyang sariling production company, Sitti Nurhaliza Productionna nasa larangan ng entertainment.

Siya rin ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga tinatamasa.



Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliz ang kaniyang mga kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik. Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya


Ang Buwang Hugis-Suklay (Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Ang Buwang Hugis-Suklay

(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)


Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.

Nagpabili ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan.

Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.

Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.

Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan.

Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.

“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.

“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.

“Pampapula ho ba ng labi?”

“Hindi.”

“Pitaka?”

“Hindi rin.”

“Unan?”

“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)

Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.

“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.

Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng mangingisda at lumisan.

Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at ama.

“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.

“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang asawa.

Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang binili para sa asawa.

“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.

Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at inabot sa asawa.

Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng panghahamak.

Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.

“Bakit ka nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.

(Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)

Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.

“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?”

Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.

“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng bata.

“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata. “Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.”

Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.

“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo.

Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.


“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.